NAGPAHAYAG ng kaginhawaan si Senador Bong Revilla para sa milyun-milyong Pilipinong cellphone subscribers matapos na mapagpasyahan ng Mababang Kapulungan na isantabi na ang kontrobersyal na text tax bill.
“Nararapat lang ang ginawa ng Mababang Kapulungan na ipitin ang text tax bill. Malamang na maging dead on arrival bill din ito sakaling na-transmit sa Senado. Dahil sa krisis pang-ekonomiyang hinaharap ng bansa, bawat sentimo ay mahalaga sa mga ating mamamayan,” ani Revilla, chairman ng Senate Committee on Public Services.
Ito ang reaksyon ni Revilla sa pag-amin ng pangunahing may-akda ng panukalang-batas para sa pagpataw ng limang sentimo sa bawat text message na wala nang panahon ang Mababang Kapulungan para matalakay ito. Isa pang panukala na ma layon namang magpatupad ng excise tax sa bawat short message service at multi-media message service sa cellphone ay naisantabi rin dahil dito. Naulat din na ang dalawang panukala ay nabigong makakuha ng suporta mula sa karamihan ng mga kongresista.
Binigyang-diin ni Revilla na ang mga batas ay dapat maging kapakinabangan ng mga mamamayan at hindi maging pasanin sa kanila. “Blessing in disguise pa nga na wala nang panahon ang Mababang Kapulungan para talakayin ang panukala”.
Bagaman mariin niyang kinontra ang pagpasa sa panukala, iginiit pa rin ni Revilla sa pamahalaan na ituloy pa rin ang Computer Literacy Program, ang proyektong na dapat sanang popondohan ng makokolektang text tax. “Kahit sabihin pang palalalawakin nito ang programang pang-edukasyon ng gobyerno, ayaw pa rin ng publiko na patawan sila ng panibagong buwis. Puwede naman tayong maghanap ng mga paraan para palakasin ang koleksyon ng mga umiiral nang buwis,” pinunto ni Revilla. Ayon pa kay Revilla, ilang taon nang pinupursige ng gobyerno ang pagpasa ng text tax bill. Tiniyak naman niya na patuloy niya ring kokontrahin ang ano mang balak na patawan ng tax ang text message. “Kung sakali na ituloy ang five-centavo text tax sa susunod ng Kongreso, dapat lang na ang telcos ang sumagot. Kailangan may mga probisyon na nagtatakda na di dapat ipasa sa mga subscriber ang tax na ipapataw sa kanila, upang maproteksyunan ang mga consumers,” dagdag ni Revilla. |