Kinontra ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. ang Zamboanga City Electric Cooperative na magtayo ng coal-fired power plant sa nasabing lungsod kasabay ng paghikayat sa pamahalaan na tutukan ang exploration o pagtuklas at pagpapaunlad ng mga renewable energy resources gaya ng biomass, solar, hydro at iba pa.
Para sa agarang solusyon sa power crisis, inirekomenda ng senador na dapat mamuhunan ang pambansang gobyerno o ang lokal na pamahalaan sa solar energy.
Ipinaliwanag niya na bagaman mahal ang mga solar panels at accessories nito, pangmatagalan naman ito at hindi magastos sa maintenance.
“Sa panahon ngayon, madaling makakuha ng solar energy. Ito ang pinakamabilis, available at maaasahang alternatibong solusyon sa power crisis. Ang ibang bansa gaya ng Germany at China ay nagma-mass produce ng mga gamit para sa solar power,” wika niya.
Para naman sa long-term na solusyon, inimungkahi niBong Revilla ang paggamit ng renewable energy. Pinunto niya na sa ilalim ng Renewable Energy Act kung saan siya ay co-author, iginiit ang alternatibong paggamit ng (araw) solar, hangin at tubig bilang mga ligtas na mapagkukuhanan ng elektrisidad. “Ito ang mga dapat na i-promote natin sa halip na magtayo tayo ng fossil-fuel power station,” sabi pa niya.
Nauna rito, sinabi ni Betty Marquez, tagapagsalita ng Zamboanga City Electric Cooperative, na kinukunsiderang maigi ng kompanya na lumikha ng kuryente mula sa coal-fired plant.
Ipinaliwanag niyang kulang ang power supply na nakukuha nila mula sa National Grid Corporation of the Philippines. Ang nakukunsumo aniya ng Zamboanga City ay umaabot sa 78 megawatts at kalahati lang nito ang nakukuha nila dahil sa El Nino phenomenon.
Sa kasalukuyan, may siyam na coal-fired power plants sa bansa. Sinabi ng senador na maaring maibsan nito ang power shortage sa mga lalawigan ngunit delikado naman ito.
Kabilang aniya sa mga masamang epekto ng fossil-fuel energy ay ang air pollution sa anyo ng smog, pagkasira ng ani bunsod ng smog na kumakapit sa dahon ng mga pananim at pagkawasak ng atmospera sa nitrous oxide na inilalabas ng coal burning.
“Lumabas din sa mga pananaliksik na naapektuhan din nito ang ating kalusugan. Tinukoy sa mga pag-aaral na ang mga bata, gayundin ang mga matatandang nakatira malapit sa mga coal-fired power plants ay nagkakaroon ng respiratory illnesses,” anang reeleksyunistang mambabatas.
Dinagdag pa ni Bong Revilla na pinapayagan ng pamahalaan ang pamumuhunan sa mga renewable energy resources. Binigyang-diin pa niyang nagbibigay pa ang batas ng insentibo sa mga mamumuhunan sa anyo ng pitong taong tax holiday at tax exemptions. “Ang epekto nito, bababa ang electric cost at magkakaroon ng maaasahan at makakalikasang(environment-friendly) power supply ang mga consumer,” ani Bong Revilla
|